Tuesday, February 19, 2008

Maikling Kasaysayan ng Birhen de la Rosa

(Simula sa matandang libro ng iba't ibang kasaysayan ng mga Birhen sa Filipinas)












Alinsunod sa mga nalathala sa "Historia de Filipinas", simula sa mga panulat ng Padre Delgado ng mga Hesuita dito sa bansa natin, ay nababanggit na ang kauna-unahang imahen ng Birhen dela rosa ay hatid ng barkong kanyang sinasakyan, simula sa Acapulco patungong Maynila, ng taong 1718.


Ang imahen ng Birheng ito, ay namumukod sa kanyang karilagan at karikitan. Nagtataglay siya ng mga garing na mukha at mga kamay. At alinsunod sa patotoo ng nasabing Padre Delgado, ang birheng ito ay nag-aari ng isang napaka-halagang hiyas sa kanyang dibdib, iyan nga'y walang iba kundi isang relikaryo na kinalalagyan ng isang buhok ni Sta. Mariang Birhen.

Itong pangyayaring ito'y pinatutunayan din ng isang Pareng Hesuita na nangangalang P. Pedro Murillo Velarde, na naging kapelyan ng Birheng ito sa bayan ng S. Pedro, Makati, Rizal. Nasabi niya na itinuturing niyang isang malaking kapalarang ang kanyang pagiging kapelyan ng nasabing Birhen dela Rosa, na nagtataglay ng isang napakahalagang yaman sa kanyang dibdib na higit sa buong yaman ng maidudulot ng Tarsis, o kaya ng Opir, sa buong dingal ng kanyang mga kayamanan.

Nang taong 1899, dala palibhasa ng kaguluhang naghari sa bansa natin, ay nawala at sukat ang mga garing na kamay at mukha ng nasabing Birhen, gayon din ang relikaryo na nasa kanyang dibdib.

Ang mga garing na mga kamay at mukhang nangawala ay hinalinhan na lamang ngayon ng mga kahoy. At kung baga man nahalinhan ito ng kahoy, ay patuloy din ang naging paggalang at pagdedebosyon ng mga mamamayan sa nasabing Birhen.

Naging ugali na ng mga devoto ng Mahal na Birheng ito ang dalawin siya tuwing Sabado ng hapon. Matapos nilang magawa ang matiyagang paglilibis sa loob ng simhbahan, ay saka naman nila isusunod ang mataimtim na pagdarasal ng Sto. Rosario, kalakip ang paghingi ng awa at pagpapalang ipinagkakaloob ng Mahal na Birhen dela Rosa s kanyang mga devoto, kaya lalo namang nagibayo ang pagtitiwala at pananalagi ng kanyang mga devoto.



(Imahen ng Virgen de la Rosa sa kasalukuyan)

Ang Novenariong ito sa kapurihan ng Birhen dela Rosa ay unang nalimbang ng taong 1856, na matandang palimbagan nila Ginoong Ramirez at Giraudier, sa ilalim ng pagsisikap ni R.P. Mariano Sta. Ana Marcial, naging Kura sa Katedral ng Maynila. At ngayon sa panahong ito, ay halos dadalawa na lamang kopya nito ang nalalabi sa buong bayan ng Makati, Rizal. Kaya't kinailangang malimbag na muli ito, ano pa't sa makabagong banghay ng tagalog, upang lumaganap at maging ibayo ang pagdedebosyon at pag-ibig ng mga tao sa Birhen dela Rosa.


Nawa'y magsilbing maliit na ala-ala ito sa kasinta-sintahang Birhen Maria ngayong "Taon ni Maria".


Rev. P.P. DIMAGIBA
Makati, Rizal
Sept. 8, 1954
A.M.D.G.

3 comments:

san Bernabé said...

Buenas tardes, ¿podrían poner o enviarme una traducción de este blog, en español o en inglés?

e-mail: parroquiasanbernabe@gmail.com

Gracias, un saludo.

san Bernabé said...

Por cierto, ¿conocen el suigiente blog: virgendelarosabeteta@blogspot.com ?

Saludos desde España.

clar said...

vintage na vintage na ang imahe.mag kano na kaya benta nyan ngayon noh.Sakit.info